top of page
  • Leni Concepcion

Kaibigan


"pinangako ko sa kanila na babalik muli ako sa Makapuyat. Hindi bilang facilitator, kundi bilang isang kaibigan."

Matagal na akong nagtatrabaho sa City Social Welfare Development Department (CSWDD) ng Malabon. Sa tagal ng aking serbisyo doon, marami na rin naman akong mga training na na-avail. Ngunit hindi ko inaasahan na magkakaroon ng isang training na susukat sa laki ng puso ng mga kabataan sa amin. Hindi ko rin inaasahan na ito ay susukat sa malasakit na kaya ko’ng ibigay para sa ibang tao.

Noong 2016, dumating ang Unilab Foundatio =-0[/.h gdfn sa aming tanggapan upang ipakilala ang kanilang programang Play It Forward-On The Move. Naisip ko, “Oh, it’s just another training.” Ang akala ko na isa lamang training ay hindi ko lubos maisip na makakapagbigay ng lubos na saya sa puso ko. Kasama ang mga kabataan sa amin, naging parte ako ng unang deployment ng volunteer facilitators sa Isabela noong Enero, kung saan sila ay nasalanta ng bagyong Lawin noong Oktubre.


Nakarating kami sa Isabela. Kahit pagod at puyat, wala akong narinig na nagrereklamo sa mga kasama ko’ng kabataan na taga-Malabon. Hindi ko talaga mapaniwalaan na kaya nilang magbigay ng panahon at puso sa mga ginagawa nila. Itinuturing ko na silang mga anak. Sila ay sina Kuya Kenneth, Jake, Adrian, Angelo, Tope, Roni, Rommel, Rai, Ate Mika, Sharina, Lynette, Dafnie at Ate Patricia.

Kami rin ay na-assign mag-facilitate ng play sessions sa Marinduque noong Marso. Ang probinsyang ito ay nasalanta naman ng bagyong Nina noong Disyembre 2016. Doon naman ay hindi ko din inaasahan ang bagong karanasan. Kahit hindi namin kasama ang ibang mga kabataan, buti na lang at may karagdagang mga kuya na nagbigay din ng kanilang oras. Sina Kuya Patrick, Kuya Raymond, at Kuya Jean. Nahati ang aming grupo sa tatlo pero nanatiling positibo pa rin ang mga bata.

Ako ay na-assign sa Makapuyat Elementary School para i-facilitate ang mga magulang. Ang problema, hala, ayaw nilang lumapit sa akin! Gumawa ako ng paraan upang mapalapit sa kanila. Ako ay nakipagkwentuhan sa kanila habang naghihintay sa ibang mga magulang. Nalaman ko na sikat pala doon si Kardo, ang Ginebra, Encantadia, at si Casiofea. Kaya yun na ang naging pangalan ng kanilang team.


Sa buong araw na iyon, nakita ko ang mga bata sa katauhan ng mga nanay at tatay nila, mga magsasaka, mangingisda, nag-aalaga ng hayop.

Ilan sa mga tugon nila, “Mula nang lumaki ako, hindi ko naranasan ang ganito. Habang natututo ka bumabalik ako sa pagiging bata.”


“Kaya pala minsan ni hindi ko man natanong ang anak ko kung kumusta na sila kasi hindi ko naman naranasan noong bata pa ako na matanong ni nanay o ni tatay kung kamusta ako.”


“Hindi naman napansin ng mga magulang ko kung natatakot ako, kaya pala hindi ko din pinapansin ang anak ko kahit alam ko na may kakaiba sa kanya. Hindi man lang ako nagtatanong kasi sa akin normal na iyon.”


“Ang dami pala naming hindi nagagawa para sa mga anak namin,” sabi nila. May mga magulang na hindi napigilan ang maluha kasi nga ay hindi nila alam. Ang mga guro naman ay hindi rin napigilan ang pagluha kasi naramdaman talaga nila ang katapatan. Pati ang mga tatay hindi napigilan na magsabi na, “Ngayon lamang po kami nakaramdam na kami ay importante.” Sabi pa nila, “Hindi ka natatakot na yakapin kami, kahit ganito ang itsura namin.” Natawa ako. Sabi ko, “Ano po ba ang itsura ninyo?” Nagtawanan sila.


“Eh bakit naman po itong lugar namin ang napili ninyo, ma’am?” Sumagot ako, “Hindi po pinipili. Nakita po ng Unilab Foundation at ng DepEd na importanteng matulungan po kayo.”


Natapos ang training namin sa araw na ‘yon na umaasa akong babalik sila kinabukasan. Sa unang araw pa lamang, sinasabi nila na marami silang gagawin. Nagulat ako pagdating ng ikalawang araw, maaga pa lamang ay nandoon na sila sa school at may kasama pang mga ibang hatak na magulang. Masaya ako na nakapagbahagi ako ng kaalaman sa mga nanay at tatay pati na sa mga guro na nakinig at nakasama nila sa pag-iyak. Ang mga nanay at tatay na gusto talaga ng bagong kaalaman kung sakali na may mga trahedya o sakuna na dumating. Nais din nila maging mabuting nanay at tatay sa kanilang anak dahil sabi nila, hindi pa naman huli ang lahat para itama ang mga hindi nagawa.


At nang sabihin ko sa kanila na ang kahilingan ko ay kung kakayanin na ang mga nalaman at napag-aralan nila ay maari nilang ibahagi sa iba, may nagsabi na, “Ma’am, ay hindi po yata namin iyan kaya. Kung ikaw ay malapit lang sana kakayanin namin.” Isinulat ko ang aking pangalan at contact number sa board para i-add nila ako sa Facebook kung sakaling kailanganin nila kumonsulta sa akin. “Hanapin lamang ninyo yan. Kahit sa Facebook mag-uusap tayo. Walang dapat ipag-alala, matututo kayo at kakayanin ninyo magturo, basta sama-sama kayo.”

Pagbalik ko ng Maynila, nagulat ako sa nakita ko. Meron akong 12 friend requests sa Facebook at natuwa ako na sila nga ‘yung mga nanay at tatay na nakasama ko sa Makapuyat. Paglipas ng isang Linggo, nalaman ko na nag-umpisa na sila magbahagi sa tatlo hanggang sampung kapitbahay. ‘Yung simpleng kahilingan ko na turuan nila din ang iba ay ginawa naman nila. Sa kasalukuyan, hindi ganoon kadalas dahil ibabawas lang nila ang pang-Internet sa panggastos nila sa araw-araw. “Basta po kailangan niyo ng tulong, magsabi lang po kayo at tatawag po ako.” Yan ang sinabi ko sa kanila.


Hindi lang ako nakapagturo sa kanila, pero nagkaroon din ako ng mga bagong kaibigan na sa simpleng pamamaraan nila sa buhay ay nakapagbibigay sila ng inspirasyon sa akin. Ang simpleng mga kaalaman na ibinahagi namin sa kanila sa pamamagitan ng Play It Forward-On The Move ay kaalaman na nagagamit na din nila bilang paraan ng pag-bo-bonding ng magkakapitbahay. Sa kasimplehan ng buhay at pagkatao nila, makikita talaga na taos sa puso ang kanilang ginagawa. Hindi dahil sa kailangan nilang gawin ito, kundi dahil gusto nila matuto din ang iba.


At pinangako ko sa kanila na babalik muli ako sa Makapuyat. Hindi bilang facilitator, kundi bilang isang kaibigan.

Leni Concepcion ,is a Social Worker and a Play it Forward- on the move facilitator from Malabon.She loves music, guitars and drums.

5 views0 comments

Comments


bottom of page