top of page
Patrick Allan Antoja-Pangilinan

Tunay na kaligayahan


"Hindi lang ito basta pakikipaglaro at pakikipagusap, kundi pakikipaglaro at pakikipagusap ng may puso at pagmamahal."

Ako si Patrick Allan Pangilinan, isang guro. Nagsisilbi din ako bilang opisyales ng Sto. Niño Youth Council, at kami’y nagsusulong ng karapatang pambata, ng Adolescent Sexual and Reproductive Health, at Positive Discipline. Ibabahagi ko ang aking mga karanasan sa probinsya ng Marinduque, bilang isang volunteer facilitator ng Play It Forward-On The Move.


Mahaba ang biyahe. Huwebes ng gabi kami naglakbay mula Maynila patungong Marinduque. Habang nasa biyahe ay nagkakantahan at nagbibiruan, ngunit sa kabila ng aming mga katuwaan ay iniisip ko kung ano kaya ang kalagayan ng mga bata at taong aming makakasalamuha. Pagdating namin sa daungan ng barko sa Lucena, Quezon, magkahalong kaba at pananabik ang aking naramdaman. Madaling araw umalis ang barkong aming sinakyan, kaya umaga na ito nakarating sa daungan ng Balanakan. Sumakay naman kami sa van upang bumiyahe patungong bayan ng Torrijos. At dahil sa kalayuan ng lugar ay halos dalawang oras din ang inabot ng aming paglalakbay.


Pagdating namin sa aming tutuluyan, pinagmasdan ko ang kagandahan ng dagat na wari'y nakangiti sa akin. Ang mga matataas na bundok at mga malalagong puno na parang walang kalamidad na naranasan ang lugar na iyon. Bago magpahinga ay kumain muna kami ng almusal. Binalik ko ulit ang aking atensyon sa karagatan. Maya maya’y lumabas ang aking mga kasamahan na parang mga batang naghahabulan at nagtatawanan sa may dalampasigan. Naisip ko, ganito rin kaya kasaya ang mga batang aking makakasalamuha?


Matapos mananghalian ay nagkaroon kami ng team building para mas patatagin ang aming samahan at maging handa sa aming gagawin kinabukasan. Nakakatuwa dahil lahat ng kanilang sinabing layunin ay makakatulong sa mas ikakaganda ng programa ng Unilab Foundation. Kasunod nito ay ang tasking at planning at paghahati sa tatlong grupo. Ang unang grupo ay na-assign sa Makapuyat, ang ikalawa naman ay sa Bonliw, at ang grupo ko naman ay na-assign sa Payanas. Mas na-excite ako dahil ang Payanas ay nasa tuktok ng bundok.

Kinabukasan, naglakbay na kami paakyat ng bundok patungong Payanas at nakita ko kung gaano ito kataas at katarik. Sa aking takot ay nanalangin ako na kami ay ligtas na makapunta sa aming patutunguhan. Dahil sa taas ng lugar ay natanaw ko ang mga punong nakasadlak sa lupa at mga daang nasira dahil sa dumaang bagyo. Ilang sandali pa ay narating na namin ang Mababang Paaralan ng Payanas kung saan gaganapin ang activity para sa mga pamilyang nasalanta ng bagyo. Sinalubong kami ng punong guro ng paaralan at mga batang nakangiti ngunit makikita mo sa kanilang mga mata ang takot sa nagdaang kalaminidad.

Sa loob ng silid aralan, napansin ko ang mga batang nagdadatingan palang dahil naglakad lang daw sila papunta sa paaralan. Ang mga bata ay tahimik at magagalang, at nang magsimula kami ng programa ay nakilahok sila sa mga gawain.


Isa sa mga activity na pumukaw at umantig sa aking puso ay noong pinagawa namin sila ng puppet at mga drawing. Ang ilan sa mga bata ay sumulat ng "Masaya kami na nandito kayo." Kasabay ng unti unting pagpatak ng ulan ay nais ding pumatak ng luha sa aking mga mata. Naramdaman ko ang kanilang pangangailangang hindi lamang materyal, kundi pati emosyonal at pagmamahal.

Ginawa din namin ang activity tungkol sa pagiging superhero, kung saan binigyan sila ng kappa. Ito’y lalagyan nila ng design ng kung ano ang pangarap nila sa buhay. Nakita ko ang mga mithiin nila upang matupad ang kanilang pangarap. Pati na ang kanilang damdamin na matupad ito upang lumaban at maiahon ang kanilang mga mahal sa buhay sa trahedya at pagkakasalanta. Naalala ko bigla ang kwento ni Ufie, isang asong bayani. Kagaya ni Ufie ang mga batang ito, na binabayo ng pagsubok sa buhay, bagamat hindi pa rin sumusuko at hindi nakakaramdam ng kawalan ng pag-asa.


Sa ating mga edad ay kababawan lamang ang paglalaro, ngunit sa mga batang binayo ng kalamidad, ito ay isang paraan upang ngumiti muli. Ang mga ngiting ito ay susi upang sila'y mangarap at muling bumangon sa trahedyang kanilang naranasan. Pagkatapos ng activity, kinausap ko ang punong guro at biniro ko na doon ko nais i-practice ang aking pagiging guro. Sinabi niya na tatanggapin niya daw agad ako at nagtawanan kaming dalawa. Ngunit aking inisip kung paano kaya kung naging guro talaga ako ng mga batang ito? Magiging huwaran kaya ako sa kanila upang patuloy na magmahal, magmalasakit at mangarap?

Nang kami’y nagpaalam ay baon namin ang mga ngiti at pasasalamat ng mga bata at magulang na aming nakasalamuha at inaruga. Kahit isang araw lamang ito, naging malapit pa rin sila sa aking puso. Bago umalis, ay inaya pa nila kaming bumalik sa Moriones Festival. Tuluyan kaming nagpaalam at naglakbay pabalik sa aming resort.


Kinahapunan sa aming tinutuluyang resort, inaya ko ang aking kasamahan na lumangoy sa dagat. Ngunit maya-maya’y umahon rin kami, dahil nais daw kaming makausap ng mga guro at mga magulang ng mga pinaggalingan naming paaralan. Pagdating namin ay may inihanda pala silang surpresa para sa amin. Ginawa nila ang ritwal sa pag welcome sa mga bisita, nag-awitan, pinatungan ng koronang gawa nila, at kami'y kanilang isinayaw. Nakakataba ng puso at puro kasiyahan ang aking naramdaman kaya lubos akong nagpapasalamat sa mga taga-Marinduque, at tiyak na babalik ako dito!


Sa aming pag-uwi ay nag-isip-isip muli ako. Dito ko nasagot ang aking tanong na kung ano ang tunay na magpapasaya sa isang tao. Ito ay ang pagmamahal at patuloy na pangagalaga sa ating kapwa katulad ng mga batang maagang nakaranas ng lupit ng kalamidad. Na kahit sa simpleng pakikipaglaro at pakikipag ugnayan sa kanila, ay muli nating binubuo ang kanilang pagkatao, at binibigyan sila ng inspirasyon upang patuloy na magmahal at mangarap. Hindi lang ito basta pakikipaglaro at pakikipagusap, kundi pakikipaglaro at pakikipagusap ng may puso at pagmamahal.

4 views0 comments

Comments


bottom of page