Pag tinatanong ako tungkol sa Isabela, ang masasabi ko lang ay "syempre maganda", "magandang pasyalan". Pero akala ko lang pala yun, akala ko ayun lang ang meron sa Isabela, hindi pala, meron pa palang iba.
Batong Labang, Ilagan, Isabela. Pag tinatanong ako tungkol sa Isabela, ang masasabi ko lang ay "syempre maganda", "magandang pasyalan". Pero akala ko lang pala yun, akala ko ayun lang ang meron sa Isabela, hindi pala, meron pa palang iba.
Time check: 10:00 pm. Sakto. Oras na ng pagsundo sa amin. Sundo para pumunta sa kung saan man kami paroroon. May halong excitement, pero hindi mawawala ang kaba, takot, at pangamba. Kaba na dahil hindi namin alam kung ano ang mangyayari sa daan kung sakali man. Takot, takot na hindi mo mararamdaman kahit kailanman, yung tipong iniisip mo na makakauwi ka pa ba ng buo? Pangambang iniisip mo na paano na yung pamilya mong naiwan kung sakaling ano man ang mangyari. Oo, unang pumasok sa isip ko yan. Pero I put my trust in God, tahimik akong nanalangin, tahimik kong kinausap siya, na kung anuman ang datnan namin, at kung ano man ang maaring mangyari sa tinatahak naming daan, ay magsilbing tulay siya para makarating ng ligtas sa pupuntahan namin.
Alas-diyes ng umaga kung hindi ako nagkakamali kami nakarating sa Isabela. Labindalawang oras na paglalakbay. Nakarating kami ng buo at ligtas sa lugar kung saan kami magpa-facilitate. Ang lugar ng Isabela, kung saan mababanaagan at masisilayan mo ang sirang mga bahay, nagsitumbahang mga puno na animo'y mismong lupa na ang sumuko, pero isang poste ang mapapansin mo na siya mismong magsasabi, kung nagsasalita lamang siya, "SULONG ISABELA," na parang ang ibig iparating ay "hoy, tignan mo ko, tignan mo ang lugar ng Isabela, kahit binagyo, kahit dumanas ng unos, hindi niyo kami matitibag, hindi niyo kami makikitang nakabusangot ang mukha kahit nahihirapan sa sitwasyon namin ngayon."
Pagdating ng gabi, naghanda nang matulog ang lahat para sa gaganaping Play It Forward-On The Move Play Day kinabukasan. Ngunit ako, nag-iisip, nag-iisip na sana'y pagpunta namin sa paaralang aming pupuntahan ay mapasaya namin ang mga bata, na sa murang edad ay naranasan na nila kaagad kung gaano kahirap masalanta ng bagyo.
Eto na. Kinabukasan. Umaga. Naghanda na upang pumunta sa Batong Labang Elementary School, Ilagan, Isabela. Isang oras na biyahe bago makarating sa lugar na iyon. Eto na nga. Nakarating na kami sa paaralang paggaganapan ng Play Day.
Eto na rin si kaba, takot at pangamba na nagparamdam. Dito ko mas naramdaman ang mga ito. Kinakabahan, natatakot at nangangambang baka may masabi ako sa mga batang isang salita lamang ay makapagpasariwa muli ng kanilang mga alaala't pinagdaanan. Eto na. Eto na ang mga paa kong pinipilit akong paabantehin na animo'y nagsasabing "bilisan mo, tignan mo sila, ang mga bata, tignan mo kung gaano sila kasaya ng makita nila kayo." Hindi nga ako nagkamali. Isa-isang nagsilabasan ng kwarto at sabay-sabay na sumilip. Makikita mo ang mga batang abot-tenga ang mga ngiti.
Sa wakas, nagsimula na ang aming Play Day. Nagsimula ito sa pagpapakila tulad ng "Ako si Kuya Ryan, mahilig ako kumanta." At ang isasagot naman ng mga bata ay "Ikaw si Kuya Ryan, mahilig kang kumanta." Marahil sa una'y mahihirapan ka dahil ang iba'y nahihiya pa. Pero nang ipakilala na ang Asong Bayani na walang iba kundi si UFIE, lahat ay nagalak, lahat ay napa-WOW, at may mga batang nagsabi na "Gusto kong maging si UFIE! Gusto ko din tumulong".
May mga katanungan din kami sa kanila katulad ng "Kailan kayo nalulungkot?" Merong sasagot ng "Kapag di po kumpleto ang pamilya," o kaya'y "Pag namatay po yung mama o papa". Pag tinanong naman namin sila kung kailan sila natatakot? Ang sagot ng iba'y, "Pag tumataas po yung tubig," "Pag umuulan po," "Pag nililipad po yung bubong." Pag tinanong naman kung kailan sila nagiging masaya, ang sagot ng karamiha'y "Pag buo po ang pamilya", "Pag wala na pong bagyo o ulan." Ilan lamang yan sa mga tanong, at ilang lamang din yan sa mga sagot hindi mo inaasahang lalabas sa bibig ng mga bata. Mga batang animo'y naging matanda, hindi ang katawan kundi ang pag-iisip. Mga batang ginawang matanda ng unos at bagyo. Natapos ang araw ngunit hindi pa ito ang huling araw.
Kinabukasan, ganun muli ang aming gawi. Pagkahinto’t pagkahinto ng aming sasakyan ay excited na nagsibaba ang mga facilitators. May mga batang sumisigaw "NANDIYAN NA ‘YUNG TAGA UNILAB FOUNDATION!". Pagkapasok na pagkapasok palang ng classroom ay may sasalubong agad sayong mga bata at sasabihing "Tara, Kuya Ryan, laro na tayo". Nagsimula ang aming Play Day na may tawanan at halakhakan.
Sumunod na session ay paggawa ng kapa. May mga gumawa ng kapa na pag tinanong mo'y "Bakit ayan yung ginawa o nilagay mo sa kapa?" At ang isasagot sayo'y "Kasi gusto ko pong makatulong sa mga batang katulad ko na nasalanta ng bagyo." At meron namang "Kasi gusto ko pong pigilan ang ulan at bagyo." Pagkatapos na pagkatapos ng paggawa ng kapa ay nagensayo na kami para sa Superhero dance. Halos lahat ay gustong maging isang superhero. Kahit sa simpleng kapa na gawa nila ay gusto nilang i-express ang mga nararamdaman nila.
Huling araw iyon ng pamamalagi namin sa Isabela. Pero bago kami makauwi ay pinabaunan nila kami ng isang nakakaantig na awit pasasalamat. Umuwi kaming may luha, luha na masasabi mong dala dahilan ng kagalakan. Uuwi ako na iba ang dala. Uuwi na may halong pagka-inspire sa mga bata ng Isabela.
Kaya ngayon pag tinanong muli ako kung ano ang meron sa Isabela, eto na ang sagot ko "Matatapang sila, dahil kahit anong pagsubok ang dumaan sa kanila, hindi mo sila mapapaiyak, iba ang mga tao sa bayan ng Isabela, kahit anong bagyo at unos, mananatili silang nakangiti."
Simula ng naging volunteer ako sa Unilab Foundation, nag-iba ang pananaw ko sa buhay. Dati hindi ako makuntento sa buhay na kung ano man ang meron ako, pero ngayon ng makita ko ang mga batang dumanas ng delubyo ay dapat pala naging thankful pa ako sa panginoon dahil hindi niya pinadanas sa akin ang mga iyon. Kaya thank you sa Unilab Foundation, dahil naging isa ako sa programa ninyo, naging isa akong volunteer para harapin ang realidad ng buhay na sa mga liblib at tagong lugar ay may mga namumuhay na mga batang nangangailangan ng atensyon.
Hindi ako magsasawang mag-volunteer lalo na kung ang paguusapan ay ang mga kabataan. Thank you din sa Staff ng Unilab Foundation, sa mga kananayan ng Valenzuela, Team Malabonian, BCYA, SPY, SNYC. Nawa'y madagdagan pa ang volunteers ng UNILAB Foundation. Ngayon sama-sama't tulong-tulong na tayo. Lets build a #healthierPH through #PlayItForward!
Ryan Vincent C. Raz or Kuya Arvin is a certified Play It Forward-On The Move facilitator. He is the vice president of Barangay and Children Youth Association-Malabon City. He loves singing, eating, writing stories, volunteering, and making children happy.
Comments